
Bahagi na ng laro ang pagtaas at pagbaba ng merkado ng mga stock. May mga araw na sumisirit ang presyo na parang rocket, at may mga araw namang bumabagsak ito nang mas mabilis kaysa sa roller coaster. Kung nagte-trade kayo, susi ang pag-unawa sa volatility para makagawa ng mas matatalinong desisyon at manatiling kontrolado ang inyong estratehiya.
Ipinapaliwanag ng gabay na ito kung ano ang volatility ng merkado ng mga stock, bakit ito nangyayari, at paano ninyo ito haharapin na parang eksperto.
Ano ang mga stock? (mabilis na pagbabalik-tanaw!)
Ang mga stock (tinatawag ding equities) ay kumakatawan sa pagmamay-ari sa isang kompanya. Kapag bumili kayo ng mga stock, nagiging shareholder kayo, ibig sabihin ay pagmamay-ari ninyo ang isang bahagi ng kompanyang iyon. Kapag maganda ang takbo ng kompanya, karaniwang tumataas ang halaga ng stock nito, at kapag nahihirapan ito, maaaring bumaba ang presyo ng stock. Bumibili ng mga stock ang mga trader sa pag-asang kikita mula sa pagtaas ng presyo at mga dividend (kita ng kompanya na ibinabahagi sa mga shareholder).
Bakit nagbabago-bago ang presyo ng mga stock?
Gumagana ang merkado ng mga stock batay sa supply at demand. Kung mas maraming gustong bumili ng stock kaysa magbenta nito, tumataas ang presyo. Kung mas maraming gustong magbenta kaysa bumili, bumababa ang presyo. Mukha itong simple, pero sa totoo lang, naaapektuhan ang presyo ng maraming salik, kabilang ang kondisyon ng ekonomiya, sentimyento ng mga trader, at maging ang mga breaking news.
Ano ang volatility ng merkado ng mga stock?
Sinusukat ng volatility kung gaano kalaki ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga stock. Kung matindi ang pag-indayog ng presyo, mataas ang volatility ng merkado. Kung tuloy-tuloy at mahinahon ang galaw nito, mababa ang volatility. Mahalagang tandaan na hindi sinasabi ng volatility kung tataas o bababa ang presyo. Sinusukat lang nito ang tindi ng galaw ng presyo.
Halimbawa sa totoong buhay:
Noong mga unang araw ng pandemya ng COVID-19, malalaki ang arawang paggalaw ng merkado ng mga stock dahil walang nakakaalam kung ano ang susunod na mangyayari. Kawalan ng katiyakan = mas mataas na volatility.
Dalawang uri ng volatility:
- Historical volatility: Sinusukat kung gaano kalaki ang naging galaw ng presyo ng isang asset noong nakaraan. Nakakatulong sa mga trader ang pagtingin sa mga nakaraang galaw ng presyo para tantiyahin ang posibleng pag-indayog sa hinaharap.
- Implied volatility: Sumasalamin sa inaasahan ng mga trader na galaw ng isang stock sa hinaharap. Madalas itong hinango mula sa presyo ng mga option at kapaki-pakinabang sa paghula ng posibleng pag-indayog ng presyo.
Paano sukatin ang volatility
Gumagamit ang mga trader ng iba't ibang tool para sukatin ang volatility ng merkado ng mga stock:
- Beta: Ang sensitivity ng isang stock kumpara sa benchmark index (hal., S&P 500). Ang beta na higit sa 1 ay nangangahulugang mas volatile ang stock kaysa sa index, habang ang beta na mas mababa sa 1 ay nangangahulugang mas stable ito.

- VIX (Volatility Index): Tinatawag ding “fear gauge,” sinusukat ng VIX ang inaasahang volatility ng merkado sa susunod na 30 araw. Karaniwang hudyat ng kawalan ng katiyakan at posibleng malalaking galaw ng presyo ang tumataas na VIX. Kinakalkula ang VIX ng Chicago Board Options Exchange (CBOE).
Ano ang sanhi ng volatility ng merkado ng mga stock?
Maraming salik ang nag-aambag sa volatility ng merkado ng mga stock, kabilang ang:
Mga macroeconomic na salik (malalaking usapin)
- Mga economic shock: Maaaring yumanig sa merkado ang mga pandaigdigang krisis, recession, o pagbabago sa patakaran.
- Patakarang pananalapi: Kapag nagtaas o nagbaba ng interest rate ang mga central bank, naaapektuhan ang kumpiyansa sa merkado.
- Mga political event: Ang mga halalan, trade war, at geopolitical na tunggalian ay maaaring magdulot ng kawalan ng katiyakan at malalaking pag-indayog ng merkado.
Mga microeconomic na salik (partikular sa kompanya)
- Mga earnings report: Kapag lumampas ang kompanya sa inaasahang kita, madalas na tumataas ang presyo ng stock nito. Kapag hindi naabot, asahan ang pagbaba.
- Mga trend sa industriya: Maaaring maapektuhan ang buong sektor ng mga pagbabago sa teknolohiya, regulasyon, o gawi ng mga consumer.
- Balita tungkol sa kompanya: Ang pagbibitiw ng CEO o isang malaking acquisition ay maaaring magdulot ng malalaking galaw ng stock.
Paano harapin ang volatility ng merkado ng mga stock
Hindi lahat ng volatility ay masama. May mga trader na umuunlad dito. Pero mahalagang may plano. Narito ang ilang estratehiya para makatulong sa pag-navigate sa pag-indayog ng merkado:
- I-diversify ang inyong mga trade: Ikalat ang inyong mga trade sa iba't ibang industriya para mabawasan ang panganib.
- Mag-isip nang pangmatagalan: Magpokus sa pangmatagalang paglago, hindi sa ingay ng merkado sa maikling panahon.
- Gamitin ang dollar-cost averaging: Mag-trade ng takdang halaga nang regular, anuman ang nangyayari sa merkado.
- I-rebalance ang inyong portfolio: Pana-panahong ayusin ang inyong mga posisyon para mapanatili ang gusto ninyong antas ng panganib.
- Manatiling may alam: Subaybayan ang balitang pang-ekonomiya at mga trend ng merkado para mahulaan ang posibleng volatility.
Hindi dapat katakutan ang volatility ng merkado ng mga stock. Dapat itong unawain at pamahalaan. Day trader man kayong naghahanap ng mabilisang galaw o long-term trader na sumasabay sa mga pag-alon, mananatili kayong kumpiyansa sa anumang kondisyon ng merkado kung may tamang estratehiya.
Handa na bang subukan ang inyong mga estratehiya sa mga volatile na merkado? Mag-sign up para sa libreng Deriv demo account na may $10,000 na virtual na pondo at subukan ang inyong kakayahan sa trading ngayon!
Quiz
Alin sa mga sumusunod ang HINDI sanhi ng volatility sa stock market?


